Para sa mga Nagmahal, Nagmamahal at Magmamahal…

Bukod sa labing-walong makukulay at malalanding sticky notes sa desktop ko, at dalawang patak ng luha sa aking papel na ngayo’y nagsusumigaw ng “Ginusto ko ‘to!”, wala na akong ibang mapagtuunan ng pansin.

Kaya tara, usaping puso muna tayo mga kapatid.

Mga Bagay na Dapat Isaalang-alang Kapag Nagmahal, Nagmamahal at Magmamahal

  1. Ang love ay parang penmanship, minsan, walang ibang makakaintindi sa bawat anggulo, pag-ikot, at direksyong meron sa mga letra mo kundi ikaw lang.

May mga pagkakataong tayo lang ang nakakaintindi ng mga salitang isinusulat natin sa papel, na tayo lang ang may kakayahang bigyang-katuturan ang bawat espasyo at kurbang nililikha ng mga panulat natin. Minsan, ganoon din sa pag-ibig. Nakakaramdam ka ng sobrang sakit o saya na ikaw lang nakakaintindi, ikaw lang payakap-yakap sa unan, at ikaw lang ang tanging nakakarinig ng tumutunog na agunyas o lumilipad na confetti sa iyong isipan.

Pero kahit sabihin nating isang delusyon lamang ang pag-ibig, ang lahat ng naramdaman mo ay hindi lang kwentong isinawsaw sa apdo ng bangus o pinahiran ng pulot o asukal. Nung mga panahong iyon, talagang umiiral ang sakit o nag-uumapaw ang saya. Alam mo at nararamdaman mo. Tagos hanggang buto.

Subalit nakakatuwang isipin na punung-puno ng kabalintunaan ang buhay-pag-ibig dahil gaya nga din ng penmanship, kung gaanong ang ibang tao’y hindi maintindihan minsan ang iyong sulat, kadalasan, ganoon ka din mismo sa sulat mo. May mga pagkakataon kasing sa sobrang pagmamadali natin, wala na tayong mabasa sa mga itinala natin sa papel. Sa pag-ibig, ganoon din. Dahil sa pinaghalong sakit at sayang nararamdaman mo, hindi mo alam kung ano mas nangingibabaw. Hindi mo alam kung ano ang mas matimbang. Hindi mo alam kung masaya ka pa nga ba o nalulunod ka na ng kalungkutan. Hindi mo na alam kung kakapit ka pa ba o bibitaw na.

Kaya mas maiging huwag magmadali. Pero huwag mong aasahan na ang mabagal at maingat na paglalakbay ay hindi makakatamasa ng pagkadapa. Kailangan mo ‘yan kapatid. Paano mo makikita ang mga rason kung bakit kailangan mong bumangon kung hindi mo namang nasubukang madapa?

Sadyang ganoon ang buhay-umiibig, hindi involved ang husay mo sa calculus o anumang grammar rules sa mga desisyon mo. Parang nung nag-aaral ka palang ding magsulat, magkakamali at magkakamali ka sa umpisa. Kung hindi mo nasubukang magkamali at napabuka nang eksaherada ang dalawang paa ng letter A at napaghiwalay ‘yung dalawang dibdib ng letter “B” noong bata ka pa, perpekto ka kapatid. AT.WALANG.GANOON.

  1. Siguraduhing alam mo ang rason kung bakit ka humihingi ng kapatawaran.

Telenobela:

“I am sorry. I really am. Hindi ko alam kung bakit ako nagsosorry, at hindi ko alam kung bakit galit ka, but still, I am sorry! Ayoko kasing nagkakaganito tayo at kung ang paghingi ng tawad ang magbabalik sa ‘tin sa dati… sorry na. Please?”

Reality:

i Am sori. I reli am.
dQ alam f bAhket aQ ngSosori
at dQ alam f bAhket gAhlit ca, but Still…
im sori‼
aYoq kAsing ngk2gani2 tau at Qng ang pghinGi
ng tAwad ang Mgba2Lik stin s dti…
sori na plsssssssssssssssssss ?

at huwag kalimutan ang…
😦

Madalas nating marinig ang mga katagang ‘yan lalo na sa mga lalaki (ahemm). Minsan, sa mga babae din (ahemm PART II). Sino man sa kanila ang nagbitaw ng mga ganoong salita, iisa lang ang mensaheng ibig nilang iparating: “Magbati na tayo. Hindi ko kayang mawala ka. Please, kalimutan na natin kung ANUMAN ang nangyari, mag-umpisa na tayong muli” o di kaya’y “HINDI KO ALAM kung saan ako nagkulang, pero mahalaga ka sa akin at ayaw kitang mawala so please forgive me.”

Ipinapakita nito na iniingatan mo ang kanilang feelings at ayaw mo silang mawala dahil mahalaga sila sa’yo. MALI. Napakalaking MALI. Nakakalimutan natin na sa pagsasabi ng mga salitang “Anuman” at “Hindi-ko-alam,” parang iniinsulto pa natin ‘yung tao. Parang sinabi na din nating “Ano bang mali sa ginawa ko? Hindi ko alam kung bakit galit ka. Hindi naman siguro iyon ganoon kaimportante, kasi kung mahalaga nga ‘yun, dapat alam ko.”

Magkaiba ang “sorry” na itinatayp ng bibig anumang oras sa “sorry” na miminsan lang lumalabas. Mas mahirap sambitin, mas totoo. At kung hihingi ka ng tawad, siguraduhin mong “ALAM” mong nagkamali ka, at siguraduhing walang karugtong na ‘but’s’. Hindi ‘yung dadampot ka lang kung saan ng salitang “apology” at ipapasalo mo’ng pilit dahil may gusto kang ibsan.

  1. Magtanong1

Huwag na po nawang mandamay pa ng kalikasan. Huwag pong ubusin ang mga bulaklak sa hardin. Kung gusto mo ng kasagutan, mas mainam na itanong na lang mismo sa taong sa tingin mo’y unang-unang makakasagot ng mga tanong mo—siya. Ito ay para makaiwas na din tayo sa pangil ng ekspektasyon.

Mahirap ang estado ng relationship na walang titulo—walang karapatan, walang lugar at walang “kayo”. Pero nagsisulputan pa din ang maraming copy cats na civil statuses na wala sa silong ng batas. Uso na nga ngayon ang standing na hindi nakatala sa papel, gaya ng:

Mutualism                      a.k.a “Mahal niya ako; mahal ko siya, pero hindi kami.”

Parasitism                      a.k.a “Laruan ako, pero wala akong magagawa, mahal ko siya.”

Commensalism              a.k.a “Loving from a distance”

Competition                    a.k.a “May syota ako, na syota niya, na syota ng madla.”

Predation                        a.k.a “rated SPG. “

Masyadong kumplikado ang pag-ibig. At ang tanging nakakaalam lang ng kung ano talaga ang tumatakbo sa loob ng isang relasyon ay ang mga taong involved… at nakikiinvolved.

Minsan, dahil sa mga magulong titulo, naiiwan ka na lang sa isang lugar na hindi mo naman alam kung paano lulugar, at sa isang tanong na hindi mo naman alam kung dapat bang hanapan ng kasagutan. We’re helpless—nasa lugar na hindi nakahalik ang paa sa lupa, hindi nakalambitin ang kamay, at walang pader na masasandalan. At para magkaroon ng solidong maaaring hawakan, humuhugot tayo ng mga salitang pwedeng humalintulad at tumumbas sa sitwasyon, at isa na sa madalas na paghugutan ay ang ‘akala’. Akala ko, “kami.” Akala ko, may commitment. Nag-antay ako kasi akala ko, babalik siya. Akala ko ba, nanliligaw siya sa akin, ba’t may bago na siya. Akala ko, gusto niya ‘yung ginagawa ko. Iniwan ko siya kasi akala ko, “sumuko na siya.” Akala ko… akala ko… akala ko.

Mas maganda talaga ang malinaw na usapan sa umpisa pa lang, para sa huli, hindi ka masampal sa katotohanang “WALA NAMAN AKONG SINABING GANYAN.”

  1. “Space”

Kapag nag-away kayo at nagkabati, ‘Love is sweeter the second time around’ ika nila. Pero kapag sinabihan ka ng “I need a space,” huwag po tayong atat sa second time around. Huwag tayong:

Babae: I’m sorry. Bati na tayo, please? *message sent*

Pagkatapos ng ilang segundo…

Babae: Hindi mo na pinapahalagahan ang feelings ko. Nagbago ka na. Hindi ka naman ganyan dati. Nasaan na ‘yung mga pangako mo? Sabi mo, hindi mo ako sasaktan. Sabi mo, hindi mo hahayaang tumulo ang mga luha ko. Bakit ngayon, bigla ka na lang naglaho? Naniwala ako, at patuloy na naniniwalang totoo ang mga sinabi mo. Hindi na kita kilala. Hindi na ikaw ang dating minahal ko. Hindi ko na alam kung ano na ba ang dapat kong paniwalaan. *message sent*

*one message received*

Lalake: Katatapos ko lang maligo…


Space
, kapatid. Kung ang mga salita nga kailangan ng space para maintindihan. Paano pa kaya tayong mga komplikadong nilalang?

At kapag nagmahal ka, matuto ka ding magtiwala. Hindi ‘yung oras-oras, kinakamusta mo siya, ang facebook account niya, ang twitter, instagram, ang wallet and cellphone… utang na loob. Bigyan ang isa’t isa ng tinatawag nilang privacy at healthy boundaries. Huwag maging “buhay at mundo” ng iba. Makontento sa pagiging “parte” lamang nito. Ang pagmamahal ay hindi nangangahulugang pagsuko ng lahat-lahat sa’yo. Hindi nasusukat sa kamartryr-an ang pagmamahal. Dapat nga, mag-umpisa ito mismo sa pagpapahalaga mo sa sarili mo. Hindi mo dapat hinahayaang kontrolin ka ng iba o ng mismong tinatawag mong pag-ibig.

  1. Lawakan ang pang-unawa

Magulo si babae. Manhid si lalake. Padalus-dalos si babae. Walang pakialam si lalake. Ganoon daw lagi ang isyu.

Sa isang relasyon, kailangan lagi ng komunikasyon at pang-unawa. Sa umpisa pa lang, ipaalam na ang mga ekspektasyon niyo sa bawat isa, magtulungang ayusin ang mga gusot. Huwag magsolo sa pagpaplano. Ikaw din ang mahihirapan. Normal lang namang magkaroon ng “individual differences” na nauuwi sa hindi pagkakaunawaan. Wala naman kasing taong perpekto. Ang kailangan lang ay pagtanggap sa bawat pagkukulang o kahinaan ng bawat isa. Kung kaya namang daanin sa maayos na usapan at kung kaya namang punan ang pagkukulang na ‘yun, bakit ka agad-agad kakalas? Minsan din, sa mga argumento, huwag pairalin ang init ng ulo. Intindihing mabuti ang sitwasyon at bawat anggulo bago ka gumawa ng anumang desisyon.

  1. Ingat sa paggamit ng reverse psychology at maling pagpaparamdam
Mga Aksyon Hidden Meaning
“Ang cute, cute mo talaga.” “I like you.”
“Musta ka na, kay tagal na din,ah.” “May pag-asa pa kayang maging tayo.”
“Iwan mo na ako!” “Stay, please. Stay.”
“Kung iyan ang gusto mo.” “Eh paano naman ako? Ayoko pa… Ayoko.”
“I am okay” I’m broken and dying okay
Walk out dramas “Hindi mo ba ako hahabulin?”
“Pakiramdam ko mahal ko na siya.” “Mafafall na ako sa iba, hindi mo ba ko hihilain pabalik sa’yo?”
“Sige lang. Enjoy!” “Nagseselos ako…”
“Ayaw mo na ba talaga?” “I need you. Don’t leave me.”
[insert silence here] Mahal kita

Ilan lang ‘yan sa mga halimbawa kung saan ginagawa natin at sinasabi ang mga bagay na kabaliktaran o malayo naman sa mga bagay na gusto natin.

At hindi lahat ay nakakaintindi ng reverse psychology, may mga taong literal—kung anong nakikita, iyon lang ang inuunawa kaya minsan mas mainam na maging totoo ka na lang sa nararamdaman mo. Pero siyempre hindi maiiwasan yung mga panahong mas magandang manahimik na lang dahil hindi lahat ng bagay ay kailangan mong sabihin at ipaalam. May tinatawag din kasi tayong self-respect, at may mga pagkakataong hindi lang ang nararamdaman mo ang dapat ikonsidera. Kaya ingat-ingat din, at pakatimbanging mabuti ang sitwasyon.

Sa pag-ibig, hindi mo alam kung kailan mo siya itutulak palayo, dahil hindi mo alam kung babalik pa ba siya sayo. Hindi mo alam kung kailan ka manunuyo, dahil hindi mo alam baka patuloy ka lang niyang iiwasan. Hindi mo alam kung kailan mo siya proprotektahan, kasi baka masobrahan at masakal lang. Hindi mo alam… hindi niya alam… walang nakakaalam… Wala naman kasing universal manual para sa pag-ibig. Ganoon talaga, kailangan ng tapang na subukan ang mga bagay-bagay. Lumunok din ng pride paminsan-minsan at huwag matakot masaktan.

  1. Minsan, hindi sapat na nagmamahal ka lang.

Sa mga panahong mahirap nang panghawakan ang taling nagbibigkis sa inyong dalawa o kapag hinihingi na ng pagkakataong patirin na ito, kailangan mo na siyang bitawan. Lalo na kung imbes na mas nagpapalago sa inyo ang relasyon, mas nagiging sanhi pa ito ng pagkapariwara ng isa. Kahit alam nating wala nang mas hihirap pa sa pag-apula ng damdaming ipinunla mo kahapon magpahanggang sa hinaharap.

Makailang beses ding kumapit kahit sa laylayan na lang ng naghuhumingalong pag-asa; makailang beses ding ipinaglaban kahit anino niya lang ang tanging kasangga; makailang binulag ang mata, nilumpo ang kakayahang humusga, at sa dilim ay nangapa. The battles seemed unending, and no matter how tough the situation was, you remained standing still just to feel that one true thing—love. Pero narealized ko na sa love, package deal ‘yan lagi—magmamahal at masasaktan. Minsan, kailangan nang bumitaw dahil parehas na kayong nahihirapan.

Mahal kita…

…ngunit hindi sapat ang pagsibol ng damdaming gumuguhit ng ngiti sa mga labi. Hindi sapat na mayroong lugar ang bawat isa, dahil wala din naman tayo sa bisig ng pagiging tama. Kung sana’y nauna ako ng isang saglit o nahuli ka man lang ng isang kisap-mata, siguro’y nagkatagpo tayo’t hindi na kailangan pang ipilit ang dadamdaming umaasa.

Tandaan:

The true courage lies not on how long you can hold on, but on how brave you can let go of the person when the best thing he needs is setting him free.

At ang pinakanatutunan ko sa pag-ibig:

  1. Wala nang mas tatamis pa sa pag-ibig na hindi hiningi pero kusang ibinigay.



    www.sba.ph

Advertisements

7 thoughts on “Para sa mga Nagmahal, Nagmamahal at Magmamahal…

  1. Believe it or not. I have the same title sa drafts ko.. hehe Ang akin naman ay “Para sa mga taong nagmahal, nagmamahal at magmamahal.” I’m 25% done pa lang doon.. para sa SBA din. 🙂 I don’t know if iibahin ko pa ang title.hehe sana may maisip pa akong title.hehe Nakakatuwa, same tayo mag-isip!hahaha Anyway, great tips!!!! 🙂

    Like

  2. wow..as in wow..galing nman nito..ganun talaga siguro pag nagmahal ka, hindi lamang puro saya, kailangan din umiyak o malungkot para mas mas maunawaan ang totoong kahalagahan ng kaligayahn..hehe. Keep on writing good articles. Godbless 🙂

    Like

  3. very heart warming at touching ang bawat words.! sa totoo lang ang sarap ng feeling na in love ang isang tao, it doesn’t matter if masasaktan ka o hindi..what matters most is you give love a try..and you still hope na sana maging masaya ka at yung taong magpapasaya sayo.
    masakit isipin na there’s no assurance once you fall in love unless nalang na you both is going in same direction (getting serious in a relationship and you see yourself settling down w/ him). Beginning is always the hardest kasi you never knew what’s life at the end of the rainbow. Kaya most of the time ayaw man natin maging choosy, kaso kelangan dahil gusto natin makakita ng someone mature enough to enter in a relationship..not someone just playing around or making pacute lang after that wala na..it’s ok to get hurt and fall out of love..! dahit next time you fall in love you knew what to do and handle the situation..Live..Love..Life..! God bless!

    Like

    • I totally agree dun sa “masarap magmahal” 🙂
      Kaya kahit paulit-ulit na masaktan, huwag matakot magmahal na muli. Saka doon tayo mas matututo eh. Umibig, nasaktan, bumangon…
      At agree din ako na need ng maturity sa pagpasok sa isang relasyon, pero may iba din namang sabay silang nag-grogrow habang ginagampanan ang role nila bilang isang partner. 🙂
      At teh, :3 medyo hinugot ‘to somewhere ah:
      “not someone just playing around or making pacute lang after that wala na..”
      hehehe.. Godbless din!

      Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s